Nakaalerto ngayon ang lahat ng field offices ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang emergency o sakuna ngayong paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mahigit 4.5 milyong family food packs ang nakaposisyon na sa iba’t ibang bahagi ng bansa na maaaring agad na maipadala upang suportahan ang mga regional field offices kung kinakailangan.
Sinabi ni Dumlao na hangad ng ahensya ang ligtas na paglalakbay ng mga kababayang uuwi sa kani-kanilang probinsya upang makapiling ang kanilang mga mahal sa buhay ngayong Semana Santa, at tiniyak na handa ang DSWD na magbigay ng agarang tulong sakaling magkaroon ng emergency.
Dagdag pa niya, sa direktiba ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may sapat na nakahandang food at non-food items ang ahensya sakaling magkaroon ng hindi inaasahang kalamidad o emergency habang ginugunita ang Semana Santa.
Bukod dito, sinabi rin ni Dumlao na may higit P735 milyon na standby funds na maaaring gamitin para sa disaster at emergency response operations, habang nakaantabay din ang Quick Response Teams (QRT) at mga emergency equipment ng ahensya upang agad na maideploy kung kinakailangan.
Tiniyak din ng DSWD sa mga lokal na pamahalaan na mananatiling bukas ang linya ng komunikasyon ng kanilang disaster response teams sa buong linggo ng Semana Santa.











