
CAUAYAN CITY – Nagpaalala ang weather bureau na maari nang maranasan ang epekto ng El Niño sa Enero, 2024.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni chief meteorologist Ramil Tuppil ng DOST PAGASA na nakahimpil sa Echague, Isabela na batay sa pinakahuling climate outlook ng weather bureau ay lumakas pa ang El Niño na ang ibig sabihin ay may pagtaas sa temperatura sa dagat.
Umaabot na ito sa 1.9 kaya asahan na ang moderate to strong na El Niño sa mga susunod na buwan.
Aniya, kapag ang isang lugar ay nakaranas ng dalawang buwan na sunud-sunod na below normal ang pag-ulan, sa susunod na buwan ay maaring makaranas na ng dry condition.
Kapag dry spell naman ay tatlong buwan na sunud-sunod na below normal ang pag-ulan habang ang drought condition ay limang buwan na makakaranas ng below normal na pag-ulan.
Ang Cagayan Valley at Cordillera Administrative Region o CAR ay maaring makaranas ng dry spell sa huling bahagi ng Disyembre at sa huling bahagi ng Enero, 2024 ay makakaranas na ng dry spell ang Isabela at Quirino habang mararanasan naman ang drought condition sa Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mt. Province, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Cagayan, Nueva Vizcaya, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Batangas, Cavite, Oriental Mindoro at Palawan.
Sa huling bahagi naman ng Pebrero, 2024 ay maaring makaranas na ng drought condition ang maraming probinsya sa Luzon kasama na ang Abra, Benguet, Ifugao, Kalinga, Apayao, Mt. Province, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Aurora, Metro Manila, Batangas, Cavite, Occidental Mindoro, Oriental Mindoro at Palawan.
Magpapatuloy ito hanggang sa huling bahagi ng Marso, 2023 at posibleng umabot pa ng buwan ng Mayo.
Payo nila sa mga magsasaka na maari pa rin namang magtanim pero kung nag-aalala sa panahon ay maaring makipag-ugnayan sa Department of Agriculture o DA.
Pwede ring magtanim muna ng pananim na kayang mabuhay kahit kulang ang tubig.











