--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasugatan ang dalawang lulan ng kotse na nahulog dakong 11:40 kagabi sa irrigation canal malapit sa provincial road sa San Miguel Luna, Isabela.

Ang mga nasugatan ay sina Vince Angelo Gonzales, 17 anyos, estudiyante, tsuper ng Toyota Vios, at residente ng Centro 1, Luna at sakay na si Arnel Galutera, 20 anyos, helper at residente ng Centro 2, Luna, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay P/Capt. Jonathan Binayug, hepe ng Luna Police Station, sinabi niya na galing umano sa isang birthday ang mga biktima at pauwi nang mahulog sa irrigation canal ang sinasakyan nilang kotse.

Sinabi umano ng binatilyo na iniwasan niya ang isang kalabaw na tumatawid sa daan ngunit nawalan ng kontrol sa manibela kaya’t nahulog sa irrigation canal.

--Ads--

Gayunman, batay sa pagsisiyasat ng Luna Police Station ay mabilis umano ang takbo ng kotse at wala namang kalabaw sa lugar nang dumating ang mga pulis.

Nakalabas sa kotse si Gonzales ngunit naiwan ang kanyang sakay na si Galutera na inilabas ng mga pulis na walang malay.

Agad silang dinala sa ospital para malapatan ng lunas subalit hanggang kaninang umaga ay wala pa ring malay si Galutera.

Kaugnay nito ay nagpaalala n si PCapt. Binayug sa mga magulang na pagbawalan ang kanilang anak na menor de edad na magmaneho ng sasakyan at iwasan magmaneho ng nakainom ng alak upang makaiwas sa aksidente.

Ang tinig ni PCapt Jonathan Binayug