--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang Ginang matapos maaksidente dahil sa mga bilad na mais sa Brgy. Nagcampegan, Cauayan City.

Ang biktima ay si Ginang Lilibeth Guino, apatnapu’t pitong taong gulang at mula pa sa Candelaria, Quezon Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Alvin Ramos, residente sa nasabing barangay, sinabi niya na naghatid lamang ang biktima ng kanyang anak sa Barangay Mabattad sakay ng tricycle at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay may makakasalubong umano siyang sasakyan pero dahil may bilad na mais ay gumilid muna siya.

Sa hindi inaasahan ay nagulungan ng sinasakyan nitong tricycle ang mga bato na iniharang sa ibinibilad na mais na naging dahilan ng kanyang pagkalaglag sa tricycle at nabagok ang kanyang ulo.

--Ads--

Agad namang rumespinde ang rescue 922 ngunit binawian din ng buhay ang biktima.

Panawagan ni Ginoong Ramos ay maging responsable sana sa pagbibilad ng mais o palay at huwag maglagay ng bato o kahoy na maaring maging dahilan ng aksidente.

Nagkaroon na ng pag-uusap ang may-ari ng tricycle at ang pamilya ng biktima at naihatid na rin ang labi nito sa kanilang probinsiya sa Quezon sa tulong ng Pamahalang panlalawigan.

Samantala paiigtingin naman ng Public Order and Safety Division o POSD ang monitoring sa mga nagbibilad sa kalsada matapos itong magsanhi ng aksidente na ikinamatay ng isang Ginang.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni POSD chief Pilarito Mallillin na maghihigpit muli sila sa mga nagbibilad sa mga lansangan dahil sa pang-aabuso nanaman ng ilan.

Aniya, naiintindihan nila ang mga magsasaka lalo na sa panahon ngayon na laging umuulan at hindi makabilad ng kanilang produkto pero dapat huwag lagyan ng harang para maiwasan ang aksidente.

Payo niya sa mga motorista ay maging maingat lalo na sa mga sasakyan na huwag magpatakbo ng mabilis at sa mga nagbibilad ay huwag namang masyadong ipagitna ang kanilang ibinibilad.

Huwag din aniyang magbilad sa mga palikong bahagi ng kalsada dahil delikado.