--Ads--

CAUAYAN CITY – Tiniyak ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang tulong sa mga naiwang pamilya ng labing isang magkakapamilyang nasawi sa banggaan ng bus at pick up sa Abulug, Cagayan.

Matatandaang binawian ng buhay ang labing isang katao na lulan ng pick- up matapos makasalpukan ang isang pampasaherong bus sa bahagi ng Brgy. Ayaga, Abulug, Cagayan.

Kabilang sa mga nasawi ang mag-amang sina Rodolfo Time Sr. at Rodolfo Time Jr., ang magkapatid na sina Evelyn Time at Christina Jane Time, kasama ang kanilang mga kaanak na sina Mary Jane Time, Lovely Time, Crishia Shane Time, Kimberly Mangupag-Time, Rodelyn Time, at Angel Time.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan galing  sa isang lamay sa Flora, Apayao ang pick up lulan ang 13 katao at pauwi sana sa Brgy. Dana-Ili, Allacapan habang ang Florida Bus naman ay binabaybay ang pambansang lansangan mula Baguio City patungong Sta. Ana, Cagayan.

--Ads--

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gov. Manuel Mamba, kanyang tiniyak na may ibibigay na tulong ang pamahalaang panlalawigan sa mga pamilya ng mga biktima.

Nakausap na niya ang Provincial Social Welfare Officer para sa maaring maipaabot na tulong sa naiwang pamilya ng mga biktima.

Hinihintay pa naman niya ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya sa pangyayari at kanyang ipinaabot ang pakikiramay sa pamilya ng  mga biktima.