--Ads--

Labis ang tuwa ng grupong Bayan Europe sa tuloy-tuloy at matagumpay na nagdaang mga araw ng paglilitis para sa confirmation of charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Miss Kara Taggaoa, Bayan Europe Coordinator, sinabi niya na ikinatuwa ng iba’t-ibang grupo sa Duterte Panagutin Network sa Europe ang nagdaang mga araw ng paglilitis na kung saan inilabas ang mga ebidensyang matagal ng nakabinbin para makamit ang hustisya at magkaroon ng pananagutan ang dating pangulo.

Tinitiyak ng grupo na matutuloy ang kasong crime against humanity dahil sa malalakas na ebidensyang inilatag sa korte.

Sa mga susunod na araw inaasahan na maririnig ang depensa ng kampo ng dating pangulo. Aniya, mahihirapan umanong baluktutin ng depensa ang mga ebidensyang inihain, kung kaya’t magsasabi umano ang mga ito ng kasinungalingan.

--Ads--

Dagdag niya, lilinawin ng ICC pre-trial chamber 1 kung ano pa ang mga inaasahang mangyayari sa susunod na araw, kabilang na ang pagharap ng dating pangulo kung sakaling matuloy ang kaso at tuluyan itong lilitisin sa korte.

Giit niya, hindi ‘taken out of context’ ang spliced soundbytes na iniharap sa ICC, kung kaya’t kailangang panoorin at unawain ang buong presentasyon ng prosekusyon.

Dagdag niya, ang spliced soundbytes ay nagdadagdag sa kabuoang konteksto ng mga ebidensya. Inilatag ang mga ito kasama ng mahahalagang dokumento na naglalahad kung sinu-sino ang mga sangkot at sino ang mga nagpatupad.

Samantala, tiwala at buo ang loob ng pamilya ng mga biktima na tuluyang ma-confirm ang charges laban sa dating pangulo.