
CAUAYAN CITY – Dinakip ang isang guro matapos makipagrelasyon sa kanyang labintatlong taong gulang na dating estudyante sa isinagawang entrampment operation ng Echague Police Station.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rogelio Natividad, ang hepe ng Echague Police Station sinabi niya na bago nila isagawa ang nasabing operasyon ay nakipag ugnayan sa kanilang tanggapan ang ina ng estudyante matapos nitong makita sa cellphone ng anak ang conversations nila ng guro na edad tatlumput tatlo na kung titingnan ang kanilang usapan ay may relasyon ang dalawa.
Aniya nang magmessage umano ang guro na makikipagkita sa estudyante ay nakipag ugnayan na sa Alicia Police Station ang ina nito kasama ang MSWDO at nakipagkoordinasyon naman ang nasabing himpilan sa Echague Police Station.
Kaagad na nagsagawa ng operasyon ang pinagsanib na himpilan ng pulisya at nadakip ang guro kasama ang estudyante sa isang hotel sa nasabing bayan.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya estudyante niya ito noong nakaraang taon at dito sila nagsimulang magkaroon ng komunikasyon.
Pansamantala lamang itong nakatira sa Alicia Isabela at siya ay residente ng Bulacan
Ayon sa guro ay girlfriend niya ang dalagita at limang beses na silang nagtungo sa hotel.
Ayon naman sa dalagita hindi rin umano niya namalayan na nahulog ang kanyang loob sa dati niyang guro at nagtataka rin ito kung bakit umabot sa puntong siya ay sumasama na sa hotel.
Inihayag ni PMag. Natividad na nakahanda na ang kasong paglabag sa RA 7610 o Child Abuse laban sa guro at ihaharap na lamang ito sa Fiscals Office.
Pinaalalahanan naman niya ang mga kabataan na laging mag ingat sa mga nakakasalamuha.
Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na bantayan ang mga anak at laging imonitor kung saan sila nagpupunta upang hindi masira ang kanilang kinabukasan.










