--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinatayang aabot sa halos P2 milyon ang natupok ng apoy sa nangyaring sunog sa Quezon, Naguilian, Isabela kagabi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO4 Jaymar Domingo, Officer in Charge ng Naguillian Fire Station, sinabi niyang sa ngayon ay hindi pa malinaw kung ano ang dahilan ng sunog.

Iba’t iba ang natatanggap nilang impormasyon gaya ng napabayaang kandila at gasera ngunit ang pinakaposible umanong dahilan ay problema sa wirings.

Sa inisyal na imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa kisame ng bahay ni Tomasa Ramirez at kumalat sa bahay ni Juan Castillejo hanggang sa bahay ni Arcelli Allag.

--Ads--

Gawa sa light materials ang dalawang bahay na nasunog at malakas ang hangin ng mangyari ang sunog kaya mabilis na kumalat ang sunog.

Nagsimula ang sunog ng 5:45 ng hapon at idineklarang fire out dakong alas diyes ng gabi.

Dagdag sa naging suliranin ng mga otoridad ang lokasyon ng mga bahay dahil nasa gitna ito ng compound at masikip ang daan papasok.

Umabot sa labing isang fire truck mula sa mga kalapit na bayan at ilang volunteer fire truck ang rumesponde bago tuluyang naapula ang sunog.

Wala namang naitalang nasugatan sa insidente.

Sa ngayon ay patuloy ang pagsisiyasat ng Naguillian Fire Station sa naturang pangyayari.

Tinig ni SFO4 Jaymar Domingo.

Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Emilou Ramirez, isa sa nasunugan, sinabi niyang bandang 5:30 ng hapon ng magsimula ang sunog ngunit pasado alas sais diyes na ng dumating ang mga bumbero.

Tatlong bahay na ang natutupok ng apoy nang dumating ang mga kasapi ng Naguillian Fire Station at kulang din ang dalang tubig.

Depensa naman ni SFO4 Domingo, mabilis ang kanilang pagresponde, sa katunayan ay tatlong minuto matapos matanggap ang impormasyon ay naroon na sila sa lugar.

Aminado naman siya na hindi naging sapat ang dala nilang fire truck upang apulahin ang apoy dahil may kaliitan ang kanilang sasakyan kaya tumawag na sila ng tulong mula sa mga katabing bayan.

Tinig ni Emilou Ramirez.