--Ads--

CAUAYAN CITY – Ibinahagi ng hepe ng City of Ilagan Police Station ang kanyang karanasan sa pagrescue sa isang Ginang na muntikan nang tumalon sa isang cellsite tower sa Barangay Guinatan.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PLt.Col. Lord Wilson Adorio, hepe ng City of Ilagan Police Station na may isang concerned citizen na nagparating sa kanya ng impormasyon kaugnay sa isang babae na nagtatangkang magpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa isang tower ng cellsite sa barangay Guinatan.

Agad niyang in-activate ang mga kasapi ng City of Ilagan Police Station maging ang rescue unit ng lunsod at ang Bureau of Fire Protection o BFP.

Batay sa asawa ng Ginang na Alyas Abi, may problema ang asawa nito sa kanyang nanay na nasa Western Visayas dahil may sakit umano ito at wala nang ibang tumutulong o nagbibigay ng suporta kundi siya lamang.

--Ads--

Ayon kay PLt.Col. Adorio, nasa 120 meters ang taas ng naakyat ng Ginang at umabot sa halos apatnapong minuto bago nila tuluyang nakumbinse na bumaba.

Aniya, dahil ilang buwan siyang nadestino sa Western Visayas ay natutunan niyang magsalita ng Ilonggo kaya kinausap niya ito sa lenggwahe nito sa pinanggalingan niyang lugar.

Kinumbinse niya ito at nakipag-ugnayan sa mga opisyal ng pamahalaang lunsod na kung pwede ay bigyan ng pinansyal na tulong ang Ginang.

Nagpapasalamat naman sila dahil napababa nila ito ng ligtas at nakapagligtas nanaman sila ng isang buhay.

Matapos na marescue ay binigyan ng paunang lunas at dinala sa bahay ni Mayor Josemarie Diaz at binigyan agad ng pinansyal na tulong.

Ayon kay PLt.Col. Adorio, nakaramdam siya ng kaba kaya naging maingat din siya sa kanyang mga sinabi para makumbinse at huwag nang ituloy ang tangkang pagpapakamatay ng Ginang.

Aniya, pangatlo na ito na kanyang nailigtas sa muntikan nang pagkamatay.

Payo naman niya sa publiko na kapag may ganitong pangyayari ay ipagbigay alam agad sa mga kinaukulan para agad silang makapagbigay ng aksyon