--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipagbabawal na pumasok sa mga sementeryo sa mismong araw ng paggunita ng Undas ang mga hindi bakunadong mamamayan sa Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, tiniyak ni Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin na ipapatupad nila ang naturang kautusan ni Mayor Jaycee Dy.

Kabilang din sa ipapatupad nila ang pagsusuot ng facemask lalo na kung maraming tao ang magtutungo sa mga sementeryo mula October 31  hanggang November 2.

Magsasagawa rin sila ng mahigpit na inspeksyon sa mga dala ng mga magtutungo sa sementeryo.

--Ads--

Ipagbabawal nila ang pagdadala ng backpack, mga matatalim na bagay tulad ng itak at maging ang baril.

Bawal din ang pagdadala ng nakalalasing na inumin at mga videoke o anumang uri ng pag-iingay, lalong-lalo na ang pagsusugal.

May itatalaga namang mamamahala sa daloy ng trapiko sa iba’t ibang sementeryo  sa lunsod kasama ang rescue team, BFP, at iba pang kawani  ng pamahalaang lunsod.

Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga opisyal ng baranggay na may mga sementeryo sa kanilang nasasakupan dahil sila ang magiging katuwang sa pagpapatupad ng kaayusan sa paggunita ng undas.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa mga stakeholders, LGU at NGOs para sa mga alituntunin.

Pinag-usapan ang paglalagay ng Motorists Assistance Center na gagabay sa mga dadalaw sa mga puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.

Ayon kay POSD Chief Mallillin, inaasahan nilang dadagsa ang mga tao na dadalaw sa kanilang mga namayapang mahal sa buhay dahil ilang taon din itong ipinagbawal bunsod ng pandemya.

Magsisimula ang pagdalaw sa mga sementeryo mula alas-siete ng umaga hanggang alas-siete ng gabi at ipapatupad ang curfew lalo na sa mga menor de edad.

Tinig ni POSD Chief Pilarito Mallillin.