Hinikayat ng Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) ang mga magulang na paigtingin ang paggabay at pagbabantay sa kanilang mga anak upang maiwasan ang pagkakasangkot ng mga ito sa anumang uri ng kaguluhan o insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ysmael Atienza Sr., Chairman ng Isabela Anti-Crime Task Force, sinabi nitong mahalagang maging mapagmatyag ang mga magulang sa mga aktibidad, pakikisalamuha at mga lugar na pinupuntahan ng kanilang mga anak, lalo na kung maaari silang malagay sa mga sitwasyong mauuwi sa komprontasyon o iba pang problema.
Binigyang-diin din ni Atienza ang kahalagahan ng maayos na komunikasyon sa loob ng pamilya upang agad na malaman ng mga magulang kung may kinakaharap na problema ang kanilang mga anak.
Kasabay nito, hinikayat niya ang mga magulang na huwag lamang pagsabihan ang kanilang mga anak kapag mayroon nang naganap na insidente, kundi maging aktibong bahagi sa paggabay sa kanilang pag-uugali at pakikitungo sa kapwa.
Layunin nitong maiwasan ang mga simpleng hindi pagkakaunawaan na maaaring mauwi sa pisikal na komprontasyon, iba pang uri ng insidente, at maging sa mga sitwasyong maaaring magdulot ng legal na pananagutan.










