--Ads--

Tinanggihan ng mga pre-trial judges ng International Criminal Court ang kahilingan ng kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte na iapela ang desisyong nagpapatibay sa mga kasong crimes against humanity laban sa kanya.

Sa 12-pahinang desisyon na inilabas nitong Huwebes ng gabi, ibinasura ng ICC Pre-Trial Chamber I ang hiling na umapela sa naunang ruling noong Abril 23 na nagkumpirma sa lahat ng sakdal laban kay Duterte.

Ayon sa mga hukom, ang dalawang isyung inihain ng dating lead defense counsel na si Nicholas Kaufman ay hindi maituturing na “appealable issues” na maaaring dalhin sa ICC Appeals Chamber.

Sa isa sa mga huling pleading na inihain ni Kaufman para kay Duterte, sinabi nitong nagkamali umano ang Pre-Trial Chamber sa paggamit ng isang “flexible approach” sa pagbabalangkas ng mga kaso laban sa dating pangulo.

--Ads--

Iginiit din ng depensa na nabigo umano ang mga hukom na maglatag ng malinaw at sapat na batayan ng ebidensya sa pagkumpirma ng mga sakdal.

Ngunit ayon sa ICC Pre-Trial Chamber I, mali umano ang interpretasyon ng depensa sa naging desisyon ng korte tungkol sa tamang paglalatag ng mga kaso.

Sinabi rin ng korte na ang ikalawang argumento ng depensa ay simpleng hindi pagsang-ayon lamang sa paraan ng pagsusuri ng hukuman sa mga ebidensya.

Dahil sa desisyong ito, tuluyan nang naisara ang pagkakataon ng kampo ni Duterte na iapela ang pagpapatibay sa tatlong kasong crimes against humanity laban sa kanya.

Sa ilalim ng mga patakaran ng ICC, hindi awtomatikong pinapayagan ang pag-apela sa desisyon ng pre-trial chamber hinggil sa confirmation of charges. Kinakailangan munang mabigyan ng pahintulot ang depensa upang maitaas ang usapin sa ICC Appeals Chamber.

Samantala, nabuo na rin ang hiwalay na trial chamber na hahawak sa nalalapit na paglilitis laban kay Duterte.

Kasalukuyan na itong nagsasagawa ng mga paunang proseso, habang nakatakda ang unang status conference sa Mayo 27.