--Ads--

Nasilip ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang ilang yate na umano’y may kaugnayan kay resigned Congressman Zaldy Co, kaugnay ng patuloy na imbestigasyon sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Assistant Secretary Aboy Paraiso, chairman ng ICI Technical Working Group, kinikilala si Co bilang isa sa mga kilalang may-ari ng isang korporasyon na nagmamay-ari ng Misibis Bay Resort, Estates and Spa sa Bacacay, Albay.

Dati nang iniugnay kay Co ang ilang air assets at luxury vehicles, na kasalukuyan pang sinusuri ng ICI bilang bahagi ng kanilang imbestigasyon.

Ani Paraiso, mahigit 140 indibidwal at 300 korporasyon na ang iniimbestigahan ng komisyon kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control projects.

--Ads--

May nakahandang panibagong freeze order ang Anti-Money Laundering Council (AMLC), bagama’t hindi pa malinaw kung sino o aling mga kumpanya ang posibleng maapektuhan nito.

Giit ni Paraiso, patuloy pa ang beripikasyon sa aktwal na pagmamay-ari ng mga korporasyong iniugnay sa isyu, at saka pa lamang nila ihahain ang pormal na hiling para sa freeze order.

Matatandaang pinabulaanan ng kampo ni Co ang mga naunang alegasyon, at iginiit na ang mga air assets na iniuugnay sa kanya ay pagmamay-ari ng Misibis Corp., na hiwalay umano sa dating mambabatas.