
CAUAYAN CITY – Isa ang nasawi habang isa rin ang nasugatan sa banggaan ng dalawang motorsiklo sa Brgy. Inaban, Dupax Del Norte, Nueva Vizcaya.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCAPT. LEOGARDA CLAVIO, deputy chief of police ng Dupax del Norte Police Station na ang nasawi ay ang tsuper ng isang motosiklo na sangkot na si Christopher Aromin, residente ng Inaban, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya habang ang nasugatan ay ang tsuper din ng isa pang motorsiklo na si Danilo Tortula, residente ng Malasin, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, parehong binabagtas ng dalawang motorsiklo ang barangay road ng Brgy. Inaban patungo sa hilagang direksyon at nauuna ang motorsiklong minamaneho ni Tortula.
Nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nagdahan-dahan sa pagmamaenho si Tortula at lumiko ng pakanan subalit nabangga naman siya ng motorsiklong minamaneho ni Aromin.
Parehong nagtamo ng sugat ang dalawang tsuper na kapwa walang suot na helmet na dinala sa pagamutan pero idineklarang dead on arrival si Aromin na napag-alamang positibo sa alak.
Sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property si Tortula na nasa pangangalaga sa ngayon ng Dupax del Norte Police Station.
Ayon kay PCAPT. CLAVIO, hindi maituturing na accident prone area ang pinangyarihan ng aksidente subalit madilim ito.
Pinapayuhan naman nila ang mga motorista na laging magsuot ng helmet at huwag nang magmaneho kung nakainom ng alak.










