CAUAYAN CITY – Sasampahan ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injury at paglabag sa Republic Act 4136 (Land Transportation and Traffic Code) ang isang motorista matapos na mabangga ang kapwa nito motorista sa National Highway sa District 1, Cauayan City.
Ang pinaghihinalaan ay si Kerwin Balen, 25-anyos, binata, residente ng Santa Cruz, Alicia, Isabela habang ang biktima ay si Cesar Ian Gomez, 40-anyos, may-asawa at residente ng Centro 2, Angadanan, Isabela.
Sa pagsisiyasat ng Cauayan City Police Station, huminto ang sinasakyang motorsiklo ng biktima sa gilid ng kalsada at bumaba ngunit nang muling sumakay ay bigla na lamang binangga ng motorsiklong minamaneho ni Balen.
Nagtamo ng malalang sugat sa binti ang biktima habang ang pinaghihinalaan ay nagtamo ng malalang sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Kaagad tumugon ang mga kasapi ng Rescue 922 at dinala sa pagamutan ang biktima at pinaghihinalaan.










