--Ads--

Sugatan ang tatlong katao sa pagbangga ng Sedan sa isang motorsiklo sa Barangay Napaccu Grande Reina Mercedes, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jefferson  Dalayap ang Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station sinabi niya na naganap ang insidente ang sa Barangay Napaccu Grande Reina Mercedes, Isabela.

Aniya sangkot sa aksidente ang isang Sedan, na minaneho ni Gerald Agustin ng Barangay Palattao, Naguilian, Isabela at motorsiklo na minaneho ni Roberto Lazaga.

Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon lumalabas na ang sedan na minamaneho ni Agustin ay ihahatid sana sa ospital ang kaniyang tatay na inatake ng hypertension.

--Ads--

Pagewang-gewang ang takbo ng Sedan hanggang sa salpukin ang motorsiklong minamaneho ni Lazaga at backrider nito.

Sa lakas ng pagkakabangga ay nawasak ang motorsiklo at tumilapon ang mga sakay nito habang inabot pa ng ilang metro nang sumalpok ang sedan sa pader ng Barangay Hall bago tuluyang huminto.

Sa ngayon si Lazaga ay nasa pagamutan matapos magtamo ng matinding sugat sa katawan habang minor injuries lamang ang natamo ng kanyang backrider.

Ang tsuper naman ng sedan na si Agustin ay nagtamo ng sugat sa mukha at nasa kustodiya ng Reina Mercedes Police Station habang nasa maayos nang kalagayan ang kanyang tatay na ihahatid sana sa ospital.

Sa pakikipag ugnayan ng pulisya kay Agustin sinabi niya na pinilit niyang mag overtake sa malalaking sasakyan subalit nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay hindi na niya nagawang makontrol ang manibela na naging sanhi para masalpok niya ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.