--Ads--

Kinilig ang maraming netizens at tagahanga matapos ang tila panghaharana ni James Reid kay Kathryn Bernardo sa isang exclusive fan hangout para sa kanilang nalalapit na serye.

Sa mga kumakalat na video sa social media, makikitang kinakanta ni James ang kanyang hit song na Randomantic habang kasama sa entablado ang kanyang mga co-star na sina Kathryn Bernardo, Maja Salvador, at Dimples Romana.

Sa kalagitnaan ng pagtatanghal, tinawag ni James ang karakter ni Kathryn sa serye at inanyayahan itong lumapit sa harapan ng entablado.

Pinaunlakan naman ng aktres ang paanyaya ngunit kapansin-pansin ang kanyang pagkamahiyain habang nasa harap ng mga manonood. Makalipas ang ilang sandali ay sinubukan niyang bumalik sa kanyang puwesto, ngunit marahan siyang pinigilan ni James at muling inanyayahang manatili sa harapan.

--Ads--

Lalong naging masigla ang mga tagahanga nang umabot sa chorus ng Randomantic ang pagtatanghal, na nagdulot ng sigawan at palakpakan mula sa audience.

Sinubukan din ni James na pakantahin si Kathryn, ngunit hindi ito nagtagumpay dahil sa labis na hiya ng aktres.

Dahil sa naturang tagpo, mabilis na kumalat online ang mga video ng kanilang interaksiyon at naging usap-usapan ng maraming netizens at tagahanga ng dalawa.