--Ads--

Idinulog ng ilang mga concerned citizens sa Ipa-Bombo Segment ng Bombo Radyo Cauayan ang kawalan ng pedestrian lane sa national highway sa tapat ng isang kolehiyo sa bahagi ng Brgy. Tagaran, Cauayan City.

Ayon sa kanila, dating mayroong pedestrian lane sa nasabing lugar, ngunit nang lagyan ito ng aspalto ng DPWH, hindi na ito naibalik. Dahil dito, hindi nagbabagal ang mga dumadaang sasakyan, na nagdudulot ng pahirap sa pagtawid ng mga estudyante, guro, at iba pang pedestrian.

Posible rin itong magdulot ng aksidente sa mga motorista at mga taong tumatawid sa kalsada, lalo na sa oras ng entrance at dismissal ng mga estudyante, kapag mataas ang daloy ng trapiko.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Haycee Opeña, isang estudyante sa Isabela College of Arts and Technology (ICAT) Inc., sinabi niya na sinimulan ang paglalagay ng aspalto sa national highway noong Disyembre, at natabunan ang unang inilagay na pedestrian lane marker sa kalsada.

--Ads--

Dahil sa kawalan ng pedestrian lane, nahihirapan silang tumawid at kinakailangan pang makipagpatintero sa mga dumadaang sasakyan dahil wala nang malinaw na marka sa kalsada. Umaasa ang mga estudyante at residente na muling malagyan ng pedestrian lane ang nasabing lugar upang maiwasan ang aksidente at mas maging ligtas ang pagtawid sa kalsada.

Sa panayam naman ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Lillia Herrera ng Maintenance Section ng DPWH-Isabela 4th District Engineering Office, sinabi niya na ang pedestrian lane ay sakop na ng Regional Office ngunit tiniyak niya na ipinabatid na nila ito sa naturang tanggapan.

Batay sa kanilang pakikipag-ugnayan sa Regional Office, matapos ang asphalt overlaying sa nasabing kalsada ay nasira ang kanilang equipment kaya hindi pa nababalikan upang muling lagyan ng pedestrian lane.

Habang wala pang nailalagay na pedestrian lane, maglalagay muna ang DPWH ng slow down signages sa lugar upang mapabagal ang mga dumadaang sasakyan at mabigyan ng mas ligtas na pagkakataon ang mga pedestrian sa pagtawid.

Dagdag pa ni Engr. Herrera, regular na mino-monitor ng DPWH ang sitwasyon, at inaasahang isasaayos agad ang pedestrian lane kapag naayos na ang nasirang kagamitan upang masiguro ang kaligtasan ng mga nagdaraan sa national highway.

Sa kasalukuyan, hindi pa nalalagyan ng signages ang lugar at kapansin-pansin pa rin ang mabilis na takbo ng mga sasakyan kahit may mga estudyante tumatawid.

Umaasa ang mga estudyante at iba pang pedestrian sa lugar na malalagyan na ito ng marker sa lalong madaling panahon at hindi magdulot ng aksidente.