CAUAYAN CITY – Kapag gumanda na ang lagay ng panahon ngayong araw ay may 12 kasapi ng PNP Special Action Force (SAF) ang ililipad ng eroplano patungong Divilacan, Isabela upang tumulong sa rescue operations.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Isabela Provincial Disaster Risk Reduction Management Officer Atty. Constante Foronda na siya ring nangunguna sa Incident Management Team na may 42 ring kasapi ng SAF na galing sa Maynila ang bibiyahe ngayong araw patungong Tuguegarao City at bibiyahe patungong Divilacan, Isabela.
Sa kasalukuyan ay mayroon nang 146 na tao na kinabibilangan ng mga sundalo, pulis, BFP personnel, rescue team ng mga LGUs, mga opisyal ng Barangay, mga katutubong Dumagat at Agta ang naghahanap sa lugar na posibleng kinaroronan ng eroplano.
Bagamat masama ang panahon sa Sierra Madre ay patuloy ang kanilang paghahanap sa Site Alpha kung saan may nakitang white object sa taas ng bundok habang naghahanap din ang mga kasapi ng Philippine Army sa ibang lugar.










