--Ads--

‎Nobserbahan ng mga awtoridad ang pagbaba ng kaso ng double parking sa National Highway sa Lungsod ng Cauayan simula nang magpatupad ang mga ito ng pagkakadena sa mga sasakyang iligal na nakaparada sa gilid ng kalsada.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, nagpapasalamat siya sa mga drayber na natutong sumunod sa mga patakaran at regulasyon sa kalsada matapos ang mas pinaigting na pagpapatupad ng ordinansa.

Aniya, malaking tulong ang disiplina ng mga motorista upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko, lalo na sa mga pangunahing lansangan na dinaraanan ng mga pampubliko at pribadong sasakyan araw-araw.

‎Dagdag pa niya, mas naging maayos ang daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng National Highway dahil sa pagbawas ng mga sasakyang nakahambalang sa kalsada. Nakakatulong din umano ito upang maiwasan ang aksidente at abala sa mga motorista at pedestrian.

--Ads--

‎Gayunman, sinabi ni Mallillin na bagama’t nabawasan ang bilang ng mga lumalabag, mayroon pa ring ilang matitigas ang ulo na patuloy na nagdo-double parking sa kabila ng mga paalala at babala ng mga awtoridad.

‎Ipinaliwanag niya na LGU citation ang kasalukuyang ipinapataw sa mga nahuhuling drayber, kung saan umaabot sa ₱500 ang pinakamababang multa. Subalit kung LTO citation ang ipatutupad, maaari umanong umabot hanggang ₱15,000 ang penalty depende sa paglabag.

‎Kaugnay nito, pinaalalahanan ni Mallillin ang mga motorista na huwag nang hintayin na lumaki pa ang multa at sa halip ay sumunod na lamang sa mga patakaran sa kalsada. Aniya, ang disiplina sa pagparada ay malaking ambag upang mapanatili ang maayos at ligtas na daloy ng trapiko sa lungsod.