
CAUAYAN CITY – Kulong ang isang lalaki matapos nitong saktan ang kanyang live in partner at murahin ang mga pulis na umaawat sa kanilang away sa Brgy. District 3, Cauayan City.
Ang biktima ay si Mae, dalawampu’t apat na taong gulang at residente ng Brgy. District 3, habang ang dinakip ay si Mark, dalawampu’t isang taong gulang, negosyante, at residente ng Cabaruan, lungsod ng Cauayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan nagkaroon ng mainit na pagtatalo ang dalawa sa kanilang inuupahang boarding house na nauwi sa sigawan at pananakit umano ng lalaki sa babae.
Humingi ng tulong ang biktima sa kanilang mga kapitbahay na kamag-anak din ng lalaki kaya lumapit ang pinsan nito sa dalawa at pinigilan ang pananakit nito sa biktima.
Tumawag naman ng tulong ang tita ng lalaki sa Cauayan City Police Station.
Sa pagresponde ng mga pulis ay sinubukan nilang pakalmahin ang sitwasyon subalit hindi umano nagpapigil ang lalaki at pinagmumura pa nito ang mga pulis.
Napilitan ang mga pulis na arestuhin ang lalaki at dalhin sa Cauayan City Police Station.
Naisampa na ang kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti Violence Against Women and Their Children at resistance and disobedience upon agent of person in authority.










