--Ads--

CAUAYAN CITY – Naaresto ang isang lalaki sa isinagawang drug buy bust operation ng City of Ilagan Police Station sa Camalagui 2nd, City of Ilagan, Isabela.

Ang pinaghihinalaan ay si Alias Mar at kabilang sa street level individual.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Ronnie Heraña Jr., Investigation Officer ng City of Ilagan Police Station, sinabi niya na nabili sa suspek ng pulis na nagpanggap na buyer ang isang heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may timbang na 0.12 grams at tinatayang nagkakahalaga ng P720.

Nakuha rin sa pag-iingat ng pinaghihinalaan ang 1000 peso bill na nagsilbing buy bust money, isang cellphone at isang kutsilyo.

--Ads--

Ayon kay PCpt. Heraña, nang makatunog ang pinaghihinalaan na pulis ang kanyang ka-transaksyon ay sinubukan niya itong saksakin.

Agad namang nadepensahan ng pulis ang kanyang sarili gamit ang baton na dala nito dahilan upang magtamo ng sugat sa ulo ang suspek.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng pulisya ang pinaghihinalaan at mahaharap sa kasong paglagabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).

Masasampahan din siya ng karagdagang kaso sa kanyang pag-iingat ng deadly weapon at tangkang pananaksak sa kanyang ka-transaksyon na pulis.