Nauwi sa pagkakaaresto ng isang lalaki ang isang aksidente sa kalsada matapos madiskubre ng mga awtoridad ang isang baril na walang kaukulang dokumento kasunod ng banggaan ng isang motorsiklo at van sa lungsod ng Cauayan.
Batay sa ulat ng Cauayan Component City Police Station (CCPS), naganap ang insidente dakong alas-11:50 ng gabi noong Hunyo 5 sa Brgy. Minante 1, Cauayan City.
Kinilala ang biktima na si alyas ‘Kelra’, 51-anyos, isang electrician at residente ng Brgy. San Isidro, Cauayan City, na nagmamaneho ng isang Toyota Hiace Grandia. Samantala, ang suspek ay kinilalang si ‘Kairi’, 20-anyos, residente ng Brgy. Rogus, Cauayan City, na siyang nagmamaneho ng isang Honda Wave 110 motorcycle.
Sa paunang imbestigasyon, binabagtas umano ni biktim ang National Highway patungong Alicia, Isabela nang pagsapit sa tapat ng National Irrigation Administration (NIA) Building ay biglang tumawid at pumasok sa southbound lane ang motorsiklo ni Suspek mula sa kabilang linya ng kalsada.
Dahil dito, nagkaroon ng banggaan sa pagitan ng dalawang sasakyan. Sa lakas ng impact, tumilapon ang ilang gamit mula sa utility box o U-box ng motorsiklo, kabilang ang isang kalibre .22 revolver, cellular phone at P100 cash.
Agad namang nagsagawa ng imbestigasyon ang mga rumespondeng pulis. Sa isinagawang pagtatanong, inamin umano ni Sicam na siya ang may-ari ng nasabing baril. Nang hingan siya ng mga dokumentong magpapatunay sa legal na pagmamay-ari nito, nabigo umano siyang makapagpakita ng anumang kaukulang papeles.
Dahil dito, inaresto ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Patuloy namang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente habang inaasahan ang karagdagang ulat kaugnay ng kaso.











