--Ads--

CAUAYAN CITY- Agad na dinakip ng mga otoridad ang isang Lalaki dahil sa paninira ng isang bahay sa Brgy. Ambatali, Ramon, Isabela

Batay sa imbestigasyon ng Ramon Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa  isang Brgy. Captain na nag-ulat hinggil sa isang hindi pa nakikilalang lalaki na pumasok sa bakuran ng mga biktima at sinisira ang ilang bahagi ng  kanilang tahanan.

Kaagad na nagresponde ang pulisya at nadatnan ang suspek na kinilalang si alyas “Freddy” na aktong winawasak ang mga bintana at pintuan ng bahay gamit ang isang piraso ng kahoy at iba pang matitigas na bagay.

Nang sitahin ng mga pulis, sa halip na sumunod, ay minura pa ng suspek ang mga awtoridad. Dahil dito, agad siyang inaresto at binasahan ng kanyang mga karapatan.

--Ads--

Agad namang nagsagawa ng body search ang mga awtoridad para masiguro na wala itong dalang anumang nakamamatay na armas. Habang isinasagawa ang body search ay nakuha mula sa kanyang kontrol partikular sa kanyang sling bag na brown ang isang (1) unit cal. .45 Colt MK IV na may serial number 134892, kasama ang magazine na may walong (8) live ammunition rounds, isang (1) extra magazine na may dalawang (2) bala, iba’t ibang identification cards, kabilang ang isang Philippine Army CAFGU ID at isang (1) yunit ng infinix cellphone

Kasama ang mga opisyal ng barangay, isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa harap ng suspek bago dinala sa himpilan ng Ramon Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at pagsasampa ng mga kaso para sa Unjust Vexation, Disobedience to an Agent of a Person in Authority, Malicious Mischief at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at BP 881 na may kaugnayan sa COMELEC Resolution No. 11067 (Omnibus Election  Code).