CAUAYAN CITY– Patay ang isang magsasaka habang nakaligtas ang kasamang dating barangay kapitan sa naganap na pamamaril sa barangay Colorado, San Guillermo, Isabela.
Ang namatay ay si Alberto Gumallaui, 48 anyos, may-asawa, magsasaka habang nakaligtas si dating Barangay kapitan Lucas Pinao-an, 68 anyos, Kapwa residente ng Burgos, San Guillermo, Isabela.
Batay sa imbestigasyon ng San Guillermo Police Station, ang dalawang biktima ay sakay ng motorsiklo na minamaneho ni Gumallaui nang bigla na silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang suspek.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj Mariano Marayag, hepe ng San Guillermo Police Station na ang sinasakyang motorsiklo ng mga biktima ay natumba ngunit nagawang makatakas ang backrider na si Pinao-an habang si Gumallaui ay pinagbabaril ng maraming beses ng isa sa mga bumabang suspek.
Nagawa namang humingi ng tulong si Pinao-an sa mga opisyal ng barangay Colorado at ang biktima ay dinala sa Rural Health Unit (RHU) sa San Guillermo ngunit idineklarang dead on arrival ng Municipal Health Officer (MHO).
Nagsagawa ng checkpoint ang mga kasapi ng San Guillermo Police Station ngunit bigong madakip ang mga suspek na agad tumakas matapos ang pamamaril.
Patuloy ang masusing imbestigasyon ng pulisya sa nasabing krimen.