CAUAYAN CITY – Hinikayat ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City ang mga magulang na ipa-enroll na ang kanilang mga anak upang matukoy na ang status ng enrollment sa lunsod.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Supt. ng SDO Cauayan City na habang patuloy ang kanilang Brigada Eskuwela ay tuloy-tuloy din ang enrollment ng mga mag-aaral.
Sa ngayon ay mayroon nang 25,182 learners ang nakapag-enroll sa lunsod ng Cauayan at mahigt 10,000 learners pa ang inaasahang magpapa-enroll upang makamit ang kahalintulad na 35,662 learners noong nakaraang school year.
Sa ngayon ay sinusuri nila ang kahandaan ng mga silid aralan na naaayon sa temang “Tugon sa Hamon ng ligtas na balik aral.”
Kailangang maset-up ang mga silid aralan at mga kagamitan alinsunod sa panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF).
Kailangan din nilang mapag-aralan kung ang mga silid-aralan ay makakasapat sa bilang ng mga mag-aaral na papasok upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Mayroon ding mga volunteers, stakeholders at community people na nakikipagtulungan upang maihanda ang mga silid-aralan na gagamitin ng mga mag-aaral.
Kailangan din na matukoy ang mga enrollees upang maihanda ang kanilang silid aralan at kung ilan ang papasok sa umaga at hapon nang walang mai-sasakripisyong asignatura ng mga bata.
Kailangan ding handa ang sanitation ng mga bata sa kanilang palikuran, sapat na tubig at hugasan ng kanilang mga kamay.
Mayroon na ring inilabas ang DepEd na Depatment Order number 34 kung saan mayroong Basic Education Information Form na lalagdaan ng mga bata at magulang na kanilang isusumite sa mga paaralan kung saan mag-aaral ang mga anak.










