
CAUAYAN CITY – Nanindigan ang may-ari ng inirereklamong Water refilling station sa Brgy. Sillawit na walang isinasagawang paghuhukay sa ipinapatayo niyang negosyo.
Magugunitang inireklamo ng ilang residente ang naturang ipinapatayong water refilling station dahil halos wala nang makuhang tubig sa kanilang mga poso at kung mayroon man ay marumi na ang tubig na lumalabas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginang Emily Bautista, may-ari ng Water refilling station na walang katotohanan ang mga alegasyon sa kanya at mariin niyang itinanggi na walang paghuhukay na nangyari.
Nagpalinis lamang aniya siya at pinasemento ang paligid.
Aniya, bago niya pinasimulan ang paggawa sa kanilang Water refilling station ay humingi siya ng clearance sa barangay at nakipag-ugnayan din siya sa Department of Environment and Natural Resources o DENR.
Kumuha rin siya ng permit at nag-apply na rin ng DTI permit.
Tiniyak din niya na sertipikado ng engineer ang mga tao na magsasagawa ng paghuhukay.
Sa susunod na linggo ay may isasagawa na ring inspection ang DENR.
Sumunod aniya siya sa lahat ng pinapagawa sa kanya gayunman dahil sa sunud-sunod na kalamidad ay hindi tuluy-tuloy ang pagtatrabaho.
Nanawagan siya sa lahat ng nagrereklamo na intindihin din siya dahil ito lamang ang alam niyang magandang negosyo para sa kanyang pamilya.










