CAUAYAN CITY – Nakatakdang isulong ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) ang project Mental Health Awareness for Youth (MHAY) na tutugon sa mga naitatalang kaso ng pagpapatiwakal sa lalawigan.
Batay sa datos ng IPPO pumalo na sa 29 na suicide incident ang naitala sa buong lalawigan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Amy Dela Cruz, tagapagsalita ng IPPO, sinabi niya na lumalabas sa kanilang datos na 29 na insidente ng pagpapatiwakal ang naitala nila sa iba’t ibang lugar sa lalawigan.
Naitala ang karamihan sa mga insidente sa bayan ng Benito Soliven at karamihan sa kanila ay magsasaka na ang karaniwang dahilan ay problema sa pamilya at pag-ibig.
Pinakamataas ang naitala noong Hulyo at Enero at karaniwang ginagamit na paraan sa pagpapatiwakal ay pagbibigti gamit ang lubid.
Ang mga nasasawi ay may edad 41 hanggang 60.
Bilang hakbang, sasailalim sa ilang serye ng dayalogo ang ilang piling station personnel sa bawat police station sa Isabela para maipatupad ang nararapat na hakbang sa mga taong nakakaranas ng depresyon at kung ano ang istratehiya ng paglapit sa kanila ng mga pulis.
Naniniwala ang IPPO na prone sa nasabing sitwasyon ang mga kabataan kaya tinawag na MHAY ang proyekto bagamat tutukan pa rin ang mga grupo ng mga nasa tamang edad dahil sa nakitang malaking datos sa nasabing age group.










