
CAUAYAN CITY – Nadagdagan pa ang bilang ng mga barangay na nakapagtala ng kaso ng African Swine Fever o ASF sa Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Dr. Belina Barbosa, provincial veterinary officer ng Isabela na hanggang kahapon ay labing apat na munisipalidad pa rin ang apektado ng ASF sa lalawigan na kinabibilangan ng Gamu, Angadanan, Alicia, Ramon, Roxas, Luna, Quirino, Aurora, Echague, Mallig, San Isidro, Burgos, Cabagan at Cordon.
Gayunman ay nadagdagan ang mga barangay na apektado dahil sa bayan ng Gamu ay limang barangay ang naidagdag, sa Cabagan ay isang barangay at sa Cordon ay nadagdagan ng apat habang ang Echague ay nadagdagan ng dalawang barangay.
Umabot na sa 312 na baboy ang namatay at 278 naman ang nacull habang nasa animnapu’t siyam na magsasaka naman ang apektado.
Ayon kay Dr. Barbosa, nahawa ang mga barangay sa mga naunang barangay na nakapagtala ng kaso ng ASF.
Nananatili namang ang pagkakatay at pagpapauraga ang nakikitang nilang rason kaya kumalat ang naturang sakit ng baboy gayunmay ay hindi na gaya ng dati na sobrang bilis ang pagkalat nito.
Sa kanilang obserbasyon ay hindi naman ito magiging dahilan ng pagmahal muli ng presyo ng karne ng baboy dahil mas marami pa ang hindi apektado ng naturang sakit ng baboy at wala pa namang commercial farm na apektado sa lalawigan.
Tiniyak naman niya na 24/7 ang mga ASF checkpoint sa lalawigan at pakiusap nila sa mga hog raisers na makipagtulungan at huwag nang katayin ang mga may sakit nilang baboy dahil kapag isang araw nang hindi kumain ang isang baboy ay tatlong araw na itong apektado ng mikbrobiyo at kapag kinatay ito ay pwede pa ring magkalat ng sakit.
Payo rin niya sa mga munisipalidad na apektado ng ASF na huwag na munang ilabas ang kanilang mga baboy sa ibang munisipalidad para hindi na ito kumalat pa at hindi na maulit ang unang outbreak sa lalawigan na halos lahat ng mga munisipalidad ay nakapagtala ng kaso ng ASF.










