--Ads--

CAUAYAN CITY – Bukas ang mga daan papasok at papalabas ng Region 2 matapos maranasan ang malakas na pagbuhos ng ulan dulot ng bagyong Florita.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Wilson Valdez, tagapagsalita ng DPWH Region 2 na lahat ng kanilang maintenance team sa kanilang panrehiyong tanggapan at 15 Engineering Offices ay nagsasagawa na ng clearing operations sa natumbang mga punong kahoy.

Sinusuri at nililinis na rin nila ang mga drainage canal sa mga lansangan na nagsasanhi ng pagbaha.

Sinabi pa ni Valdez na bagamat bumaba na ang antas ng tubig sa Santa Maria-Cabagan Bridge Road kahapon ng hapon ay hindi pa sila nagpapadaan ng mga sasakyan.

--Ads--

Nagkaroon naman ng malaking  damage sa bahagi ng  Kilometer 569 o sa bahagi ng Junction Gattaran hanggang Capissaran Santa Margarita Road ngunit maaari nang daanan ng mga sasakyan matapos magsagawa ng clearing operation.

Tumaas din ang tubig baha sa Santiago-Tuguegarao Road ngunit unti-unting bumaba at maaring daanan ng anumang uri ng sasakyan.

Sa pangkalahatan ay maayos ang mga daan papasok at papalabas sa lambak ng Cagayan.