Inatake ng mga Israeli settler ang mga Palestinian na sibilyan, ilang European diplomat at isang French mayor sa sinasakop na West Bank, ayon kay Belgian Foreign Minister Maxime Prevot, isang araw matapos bugbugin ang isang American photojournalist sa lugar.
Kabilang sa mga inatake ang Belgian consul general sa mga Palestinian, mga diplomat mula France at Poland, at ilang kinatawan ng Simbahang Katolika. Napinsala rin ang isang sasakyan ng Belgium sa insidente.
Ayon kay Prevot, dapat tiyakin ng Israel, bilang kapangyarihang sumasakop sa teritoryo, ang kaligtasan ng mga Palestinian, diplomat at mamamahayag, at panagutin ang mga nasa likod ng pag-atake.
Ikinuwento naman ni Bernard Baudoux, alkalde ng Aulnoye-Aymeries sa hilagang France, na nangunguha siya ng olibo malapit sa Palestinian Christian village ng Taybeh bilang pakikiisa sa komunidad nang bigla siyang atakihin ng mga nakamaskarang Israeli settler at ibagsak sa lupa.
Kinondena ni Israeli Foreign Minister Gideon Saar ang insidente at tinawag na mga rioter ang mga sangkot. Gayunman, sinabi niyang dapat sana ay nakipag-ugnayan muna sa militar ng Israel ang mga diplomat bago bumisita sa lugar.
Samantala, kinondena rin ni Palestinian Vice President Hussein al-Sheikh ang pag-atake, na tinawag niyang halimbawa ng araw-araw na karahasang nararanasan ng mga Palestinian.
Ayon sa Israeli police, nagbukas na sila ng imbestigasyon sa insidente, ngunit wala pang inanunsiyong pag-aresto. Bihira umanong humantong sa pag-uusig ang mga kasong may kaugnayan sa mararahas na pag-atake ng mga settler laban sa mga Palestinian sa West Bank.
Noong Biyernes, nasugatan din at naospital si Heidi Levine, isang American photojournalist ng The Washington Post, matapos umanong bugbugin ng mga nakamaskarang settler habang nag-uulat tungkol sa pag-aani ng olibo.










