--Ads--

Bubusisiin ng Senate impeachment court sa pagpapatuloy ng paglilitis laban kay Vice President Sara Duterte ang mga negosyo, kontrata sa gobyerno, at mga re­histradong baril nito, batay sa mga testigo at ebidensyang ihaharap ng House prosecution panel.

Ayon kay private prose­cutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., nakahanda silang magprisinta ng mga testigo sa Set­yembre 23, depende sa progreso ng paglilitis at sa oral arguments kaugnay ng boto ng 2/3 ng Senado.

Ayon kay Tolosa, ihaharap nila sa paglilitis ang testigo mula sa Civil Service Commission na magpapaliwanag sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) filing guidelines.

Habang ang testigo mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) ang tutukoy sa mga kumpanyang nakasaad sa idineklarang pinansiyal na interes ni VP Duterte at ng asawa nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio.

--Ads--

Ang testigo naman ng Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) at kinatawan ng PhilHealth Regional Office XI’s Bids and Awards Committee ay tatalakayin ang mga kontrata sa gobyerno na pinasok ng mga kum­panya ni Duterte.

Samantala, ang kinatawan naman mula sa PNP Firearms and Explosives Office ang magsasaad hinggil sa mga baril na nakarehistro kay Duterte at Carpio.