--Ads--

CAUAYAN CITY – Nag-upgrade na ang mga scammer na gumagamit ng mga smishing o text scam sa kanilang modus sa panlilinlang ng mga tao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Rovelita Aglipay, OIC ng Regional Anti-Cyber Crime Unit 2, sinabi niya na kung dati ay nag-aalok lamang ng kung anong bagay ang mga scammer at numero lamang ang kanilang alam, ngayon ay pati pangalan ng user ay alam na rin ng mga scammer.

Aniya, nailalagay na sa mensaheng ipinapadala ng mga scammer ang pangalan ng user na target nilang biktimahin.

Ilan sa pinanggalingan ng ganitong modus ay ang pagfill-up ng mamamayan sa bawat pagpasok sa mga establisyemento noong kasagsagan ng pandemya at ang pagfill-up sa mga raffle tickets.

--Ads--

Inilalagay ang pangalan, address at numero ng isang kostumer upang magamit sa contact tracing ngunit ito ang naisipang gamitin ng mga scammer sa pagpapakalat ng text scam.

Maliban sa ganitong modus ay may iba rin na ginagamit ang account ng isang user upang makapangutang sa kakilala ng user sa kanyang account.

Pinaalalahanan ni PLtCol. Aglipay ang mga mamamayan na huwag agad magtiwala at pag-isipan ng mabuti ang gagawing aksyon sa mga matatanggap na mensahe lalo na kung hindi kilala ang numero o hindi karaniwang ginagawa ng user ang humiling ng halaga o kahit anong bagay.

Tinig ni PLtCol. Rovelita Aglipay.