Pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Cauayan City ang pagbabantay sa mga oil company sa lungsod upang matiyak na walang magaganap na hoarding o ilegal na pagtatago ng suplay ng produktong petrolyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na layunin ng hakbang na maprotektahan ang mga mamimili laban sa posibleng kakulangan ng suplay at biglaang pagtaas ng presyo ng langis.
Dagdag pa niya, ang pinaigting na monitoring ay kaugnay din ng kasalukuyang imbestigasyon sa ilang oil company sa bansa hinggil sa posibleng hoarding at iba pang anti-competitive practices.
Ipinaliwanag din niya na magsasagawa ng mas mahigpit na inspeksyon at regular na monitoring ang kanilang tanggapan sa mga gasolinahan at iba pang establisyimentong nagbebenta ng langis upang matiyak na nasusunod ang batas habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Tiniyak din niya na handa ang lokal na pamahalaan na magpatupad ng kaukulang parusa laban sa sinumang mapapatunayang sangkot sa hoarding o iba pang iregularidad.
Hinimok naman ng opisyal ang publiko na maging mapagmatyag at agad na i-report sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad kaugnay sa suplay ng langis sa lungsod.
Umaasa ang LGU Cauayan City na mapapanatili ang sapat, patas, at transparent na distribusyon ng produktong petrolyo para sa kapakinabangan ng lahat.











