--Ads--

Nasugatan ang rider ng isang motorsiklo matapos itong bumangga sa isang tricycle sa Cabatuan, Isabela nitong umaga ng Hulyo 17.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneil Jay Dumayas, Hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi nitong sangkot sa insidente ang isang tricycle na minamaneho ng isang lalaki na residente ng Centro, Cabatuan at isang motorsiklo na minamaneho ng isang lalaki na residente naman ng Cauayan City.

Aniya, katatapos lamang magpansit ng driver ng tricycle at nakaparada ito sa opposite lane ng daan at nang pauwi na sana ito sa Centro ay hindi na ito pumunta pa sa kabila at tamang linya ng kalsada, bagkus ay nanatili umano ito sa southlane shoulder.

Dahil dito ay nakabanggaan nito ang paparating na motorsiklo. Bagama’t nakasuot ng helmet ang rider ay nagtamo pa rin ito ng injury sa katawan at isinugod sa pagamutan.

--Ads--

Samantala, hindi naman nasaktan ang driver ng tricycle, bagamat kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan. Hindi pa matukoy ng pulisya ang halaga ng naging danyos.

Ayon pa sa hepe ng pulisya, tuwid at four lanes ang kalsadang pinangyarihan ng aksidente kaya karaniwang mabilis ang takbo ng mga sasakyan at maituturing din na accident prone area.

Sa kabila ng insidente, nagkasundo na ang dalawang panig na magkaroon na lamang ng amicable settlement kaya hindi na sila magsasampa ng kaso laban sa isa’t isa.

Nagpaalala naman si PMaj. Dumayas sa mga motorista na maghinay-hinay sa pagmamaneho, lalo na sa mga maluluwag na kalsada, at tiyaking nakasuot ng helmet at iba pang safety gear upang mabawasan ang pinsala sakaling maaksidente.