--Ads--

CAUAYAN CITY – Tinangay ng mga magnanakaw ang isang motorsiklo na nakaparada sa harapan ng apartment ng may-ari sa barangay Minante dos, Cauayan City.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Richard Peru, may-ari ng ninakaw na motorsiklo na ipinarada niya ang kanyang motorsiklo sa harapan ng kanyang apartment dahil nasa loob ng kanilang pwesto ang susi.

Pagpasok niya kahapon ng umaga ay wala na ang kanyang motorsiklo kaya nagtanong-tanong siya dahil baka pinagtripan lang siya ng kanyang mga kaibigan pero wala naman umano silang alam.

Napagpasyahan nilang tingnan ang kuha ng CCTV sa kanilang apartment at nakita nilang tinangay ito ng ala una ng madaling araw ng tatlong kalalakihan patungo sa barangay Nungnungan.

--Ads--

Aniya, tatlong motor ang madalas na nakaparada sa harapan ng kanilang apartment at hindi naman nawawala.

Gayunman, bago mawala ang kanyang motorsiklo ay may isang lalaki na nagtatambay sa tindahan ng feeds at may dumating din na mga kasama nito.

Hindi naman niya namumukhaan ang mga kumuha nang makita niya ang mga ito sa CCTV.

Ang kanyang motorsiklo ay isang TMX 125 alpha na kulay gray at may plakang 941BWW.

Magdadalawang taon na niya itong binabayaran at halos isang taon nalang sana ay mababayaran na niya ito.

Ayon pa kay Peru, tabi lang ng kalsada ang kanyang pinagparadahan dahil walang gate ang kanilang apartment.

Sa ngayon ay naireport na niya ito sa pulisya.

Panawagan niya sa kumuha na ibalik nalang ito dahil pinagpaguran niya rin ito.