CAUAYAN CITY – Nag-abiso ang NIA-MARIIS na magpapalabas ng tubig mamayang alas-dose ng tanghali bilang paghahanda sa posibleng malakas na ulan na dala ng bagyong Karding.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Jaime Lara, Engineering and Operations Manager ng NIA MARIIS, sinabi niya na patuloy ang kanilang monitoring sa inflow o pumapasok na tubig sa Magat dam.
Una na silang nagbabala sa mga residente malapit sa Magat river sa pagbubukas nila ng spillway gate na may taas na isang metro.
Napagpasyahan ng pamunuan ng NIA-MARIIS na magpakawala ng tubig mamayang tanghali bilang paghanda sa maaaring malakas na ulan na dala ng bagyo sa mga watershed areas.
Maaaring magdagdag ng gate opening ang NIA-MARIIS kapag malaki ang volume ng tubig na papasok sa Magat dam reservoir sa pagtama ng bagyong Karding.
Sa kasalukuyan ang water elevation ng dam ay nasa 187.74 meters above sea level habang ang inflow ng tubig ay nasa 410.96 cubic meters per second.
Ang outflow ay nasa 493.06 cubic meters per second at wala pang nakabukas na Spillway Gate.










