--Ads--

CAUAYAN CITY – Dulot ng malakas na pag-ulan noong gabi ng Sabado at hindi ang mga nasirang irrigation canal ang pagbaha sa mga barangay sa San Manuel at Aurora, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA MARIIS na ang bayan ng Aurora ang naging catch basin ng tubig-ulan.

Nilinaw niya na walang nasira sa kanilang irrigation canal na naging sanhi ng pagtaas ng antas ng tubig at pagbaha sa national highway at sa mga kabahayan.

Ayon kay Engr. Dimoloy, dahil sa mga nagdaang pagbaha ay nagkaroon ng kasunduan ang mga LGU, NIA at DPWH kaya makikipagkita sila mga opisyal ng LGU para malaman kung nasunod ang kasunduan.

--Ads--

Matagal aniya na humupa ang pagbaha dahil hindi mabilis ang pagdaloy ng tubig sa mga drainage canal sa national highway.

Nakadisenyo ang mga irrigation canal ng NIA-MARIIS at kahit palawakin, ang bagsak ng tubig ay ang mababang bahagi ng Poblacion ng Aurora kaya naipon ang tubig-baha.

Titingnan nila ang solusyon kung paano ang paglabas ng tubig.

Samantala, sinabi ni Engr. Dimoloy na kung patuloy ang malakas na pag-ulan at tataas muli ang water elevation ng Magat dam sa Ramon, Isabela ay posibleng muling magpakawala ng tubig ang NIA-MARIIS.

Sinabi ni Engr. Dimoloy na binabantayan nila ang water level ng dam at kung aabot sa 188 meters ang elevation ay hihilingin nila sa PAGASA na muli silang magpapalabas ng tubig para mapanatili ang ligtas na antas ng tubig.

Tinig ni Engr. Gileu Michael Dimoloy.