Pinaghahandaan na ng NIA-MARIIS ang papalapit na summer season, kung saan inaasahan ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Magat Dam sa Ramon, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, sinabi niya na ang panahong ito ay itinalaga para sa regular na maintenance ng mga kagamitan ng dam.
Sinabi niya na bahagi ito ng paghahanda para sa tag-init at upang matiyak ang maayos na operasyon ng dam para sa darating na irigasyon at water management period.
Sa kasalukuyan, patuloy ang pagbaba ng water elevation ng Magat Dam, at nasa humigit-kumulang isang metro na ang ibinaba ng elevation sa itinakdang rule curve. Ang rule curve ay ang pamantayan ng pinakamainam na lebel ng tubig para sa iba’t ibang layunin tulad ng irigasyon, hydroelectric power generation, at flood control.
Dahil taun-taon nang nararanasan ang ganitong pagbaba ng lebel ng tubig, umaangkop na ang mga magsasaka sa Ramon at karatig na lugar na napapatubigan ng NIA-MARIIS sa kanilang mga iskedyul ng pagtatanim.
Kapag bumababa na ang tubig para sa irigasyon, natural na sumusunod ang pag-aani, kaya hindi na gaanong kailangan ang karagdagang patubig. Ayon sa mga lokal na magsasaka, nakatutulong ito sa mas maayos na pamamahala ng tubig at mas efficient na produksyon ng kanilang mga pananim.
Itinakda naman ang cut-off sa patubig mula sa Magat Dam sa darating na ika-labinlima (15) ng Marso, at susunod na rito ang ilang karatig na irrigation canals. Kapag nag-cut-off na ang NIA-MARIIS, isinasagawa nila ang maintenance at pagsasaayos sa mga sirang irrigation canals, pati na rin ang pag-aayos ng daluyan ng tubig papasok sa mga sakahan, katuwang ang mga magsasaka.
Dagdag pa ni Engr. Ablan, ang panahong ito ay mahalaga rin para makapag-imbak ng tubig ang Magat Dam bilang paghahanda sa susunod na cropping season. Sa kasalukuyan, wala pa namang plano ang NIA-MARIIS na mag-request ng cloud seeding upang dagdagan ang supply ng tubig.










