Isinusulong ngayon sa Senado ang isang panukalang batas na naglalayong ipatupad ang patakarang “no work, no pay” para sa mga matataas na opisyal ng gobyerno na lumiliban sa trabaho nang walang malinaw at makatuwirang paliwanag.
Saklaw ng panukala ang Pangulo, Bise Presidente, mga senador, kongresista, mga halal na opisyal, mga kalihim ng gabinete, at iba pang mga pinuno ng kagawaran ng pamahalaan.
Nakasaad din sa panukala na hindi rin pagkakalooban ng mga allowance ang mga opisyal na absent nang walang wastong abiso o sapat na dahilan sa kanilang pagliban.
Ayon kay Senador Erwin Tulfo, na siyang sponsor ng panukalang batas, nakasanayan na umano ng ilang matataas na opisyal ang pagliban sa trabaho nang walang anumang pananagutan, habang patuloy pa ring tumatanggap ng sahod. Aniya, nakahihiya ito lalo na’t ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno ay agad na nawawalan ng sahod kapag sila ay lumiban.
Binigyang-diin ng senador na dapat maging pantay ang pagpapatupad ng polisiyang “no work, no pay” sa lahat ng kawani ng pamahalaan, maging ordinaryong manggagawa man o matataas na opisyal.
Kasunod nito, kinilala ni Tulfo ang naging boluntaryong desisyon ni Senador Jinggoy Estrada na ipatigil ang pagtanggap ng kanyang sahod noong siya ay arestuhin.
Samantala, naging sentro rin ng usapin ang patakarang “no work, no pay” dahil sa matagal na pagliban ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, na patuloy umanong tumatanggap ng sahod sa kabila ng kanyang hindi pagpasok sa trabaho.










