CAUAYAN CITY – Nakataas na sa red alert status ang OCD Region 2 bilang paghahanda sa pagtama ng bagyong Karding bukas araw ng linggo sa Northern at Central Luzon.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Michael Conag, tagapagsalita ng OCD Region 2, sinabi niya na una na silang nagsagawa ng pre-disaster assesment at nakapagbigay na rin ng impormasyon tungkol sa inaasahang pagpapakawala ng tubig ng NIA-MARIIS mamayang tanghali bilang paghahanda sa mga pag-ulan na dala ng bagyong Karding.
Nagsagawa na rin sila ng inventory sa prepositioning ng mga response assets ng OCD upang matiyak na maayos at nasa kondisyon ang kanilang mga kagamitan bago ang pananalasa ng bagyo.
Aniya, sa ngayon ay inaasahang lalakas pa ang bagyong Karding at posibleng maging severe tropical storm oras na tumama ito sa kalupaan sa araw ng linggo.
Nagbabala ang OCD Region 2 sa posibilidad ng pagbaha sa mga mababang lugar at pagguho ng lupa dahil sa inaasahang malakas na ulan at hangin na dala ng bagyo.
Umiiral na rin ang no sail policy sa mga baybaying dagat sa lambak ng Cagayan dahil sa matataas na alon at epektibo na rin kahapon ang liqour ban sa buong rehiyon.
Maliban sa mga Local DRRM Responders ay nakahanda na rin ang response assets ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan kabilang ang TOG 2, Philippine Coast Guard, Philippine Navy at Armed forces of the Philippines.










