
CAUAYAN CITY – Nasawi ang isang dating Overseas Filipino Worker o OFW matapos na pagbabarilin sa isang lamay sa Barangay Camarag, San Isidro Isabela.
Ang biktima ay si Jefferson Tumamao, tatlumpu’t anim na taong gulang, may asawa, dating OFW at residente ng Rizal East, San Isidro, Isabela.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Grandeur Tangonan, hepe ng San Isidro Police Station na pumunta sa Barangay Camarag ang biktima para makilamay sa namatay nitong kamag-anak.
Sa pagsisiyast ng pulisya ay pinagbabaril ang biktima ng hindi pa natutukoy na suspek at ayon sa mga witness ay nakasuot ito ng itim na damit at lulan ng motorsiklo.
Nagtamo ng tama ng baril sa likod ang biktima at wala namang nadamay dahil pababa ang direksyon ng mga bala.
Narekober sa lugar ang apat na basyo ng caliber 45 na baril.
Ayon kay PMaj. Tangonan, may mga anggulo na silang tinitingnan ngayon kabilang na ang natatanggap umanong banta sa buhay ng biktima gayundin ang kanyang trabaho.
Sa ngayon ay mayroon na rin silang person of interest.
Tiniyak ni PMaj. Tangonan na gagawin ng pulisya ang lahat para mabigyan ng hustisya ang biktima at hiniling nito ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan para agad na malutas ang naturang kaso.










