Inihayag na maaaring umabot sa lima hanggang anim na kaso ang isasampa ng Office of the Ombudsman laban kay dating Speaker Martin Romualdez kaugnay ng umano’y multi-bilyong pisong flood control scam.
Ayon kay Remulla, isa pa lamang ang naihahain sa ngayon ngunit may lima hanggang anim pang kasong nakalatag na isusunod na isasampa sa loob ng susunod na dalawang linggo.
Tiniyak din niya na nagpapatuloy ang preliminary investigation laban kay Romualdez at susundin ang tamang proseso ng batas sa mga kaso.
Giit pa ni Remulla, hindi magiging madali ang imbestigasyon dahil ang kanilang tinutugis ay isang akusadong umano’y sangkot sa pandarambong sa gobyerno na may yaman at kapangyarihan.
Idinagdag niya na ang hakbang ay kasunod ng kautusan ng Court of Appeals na pansamantalang i-freeze ang Prime Forbes Park property at ilang dosenang bank accounts na umano’y pag-aari ni Romualdez at negosyanteng si Jose Raulito Enoy Paras.
Ayon sa CA, may sapat na batayan upang paniwalaan na ang mga naturang ari-arian ay may kaugnayan sa kahina-hinalang transaksiyon, kabilang ang posibleng paglabag sa Anti-Money Laundering Act.
Batay sa mga ulat, si Romualdez ay iniuugnay din sa 35 bank accounts sa mga pangunahing bangko na nakapangalan sa kanya at sa kanyang pamilya.











