
CAUAYAN CITY – Isasagawa ang online necrological service para kay yumaong dating Senador Heherson Alvarez sa umaga ng Sabado, ika-22 ng Agost 2020.
Magugunitang kinapitan ng Coronavirus Disease (COVID-19) ang mag-asawang Alvarez noong Marso 2020 na naging dahilan ng pagpanaw ng dating senador habang gumaling ang kanyang misis na si theater legend Cecile Guidote-Alvarez.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay dating Sangguniang Panlunsod Member Hexilon Alvarez ng Santiago City, sinabi niya na ang online necrological service ay inorganiza ng law fraternity para sa yumaong ama na naging kalihim din ng DENR.
Kabilang sa mga magbibigay ng eulogy sa online necrological service sina dating Chief Justice Reynato Puno, dating Senador Joey Lina at iba pang malapit sa pamilya Alvarez.
Sinabi pa ni Ginoong Alvarez na balak na iuwi ang abo ng ama sa Santiago City kapag bumalik na sa normal ang sitwasyon dahil sa ngayon ay ipinagbabawal pa ng Inter-Agency Task Force ang social gathering.
Inihayag pa ni Ginoong Alvarez na doble ingat sila ngayon sa kalusugan ng kanyang ina makaraang gumaling sa COVID-19 at dumadaan sa medical therapy.
Iniiwasan nila ngayon ang physical contact at kapag dinadalaw nila ay nakasuot sila ng personal protective equipment upang maiwasan ang virus.










