--Ads--

Patuloy na nakatatanggap ng reklamo ang pamahalaang lungsod ng Santiago laban sa ilang tricycle driver na umano’y naniningil nang lampas sa itinakdang pamasahe, ayon sa Department of Public Order and Safety (DPOS). ‎ ‎

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III, City Government Department Head I ng DPOS Santiago City, sinabi niyang nakapaloob sa Tricycle Code of the City of Santiago ang pagbabawal sa overcharging ng pamasahe ng mga tricycle driver. ‎

‎Ayon sa kanya, may itinatakdang taripa ang pamahalaang lungsod at ang sinumang lalabag dito ay maaaring mapatawan ng parusa kapag napatunayang nag-overcharge. ‎ ‎Ipinaliwanag ni Cabanos na ang pagpapataw ng multa ay nakabatay sa reklamo ng mga commuter na nagsusumbong sa kanilang tanggapan. ‎ ‎

Dagdag pa niya, hinihikayat ang mga pasahero na magsampa ng reklamo kung sa tingin nila ay naningil nang lampas sa tamang pamasahe ang isang tricycle driver upang agad itong mapatawag at mapatawan ng kaukulang parusa. ‎ ‎

--Ads--

Ayon pa sa opisyal, umaabot sa ₱500 ang multa sa mga driver na mapatutunayang lumabag sa naturang ordinansa. ‎ ‎

Samantala, sinabi rin ni Cabanos na kahit tumaas ang presyo ng gasolina ay may ilan pa ring reklamong natatanggap ang kanilang tanggapan kaugnay sa overcharging. ‎ ‎

Aniya, agad nilang pinapatawag ang tricycle driver kapag may natanggap na reklamo at sinisikap na maresolba ito sa lalong madaling panahon upang mapanatili ang kaayusan sa pamasahe at maprotektahan ang mga commuter. ‎ ‎

‎‎Kasabay nito, nagbabala ang DPOS sa mga tsuper na iwasan ang pananamantala sa mga pasahero at mahigpit na sumunod sa itinakdang pamasahe ng pamahalaang lungsod upang hindi mapatawan ng kaukulang multa. ‎ ‎

Pinayuhan naman ang mga commuter na maging mapagmatyag at agad na ireport sa kinauukulan ang anumang insidente ng overcharging upang agad itong maaksyunan ng mga awtoridad. ‎ ‎