--Ads--

CAUAYAN CITY – Umabot sa 5.2 milyon pesos ang halaga ng marijuana bricks na nakumpiska ng mga otoridad sa isinagawang drug buy-bust operation sa Tuao North, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Oscar Abrogena, hepe ng Bagabag Police Station na isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency, Provincial Drug Enforcement Group, Regional Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Unit at ang Bagabag Police Station.

Aniya, nahuli sa operasyon ang tatlong indibiduwal kabilang ang dalawang babae na mga residente ng Ifugao at Kalinga.

Nakumpiska ang apatnapu’t apat na piraso ng marijuana bricks na may timbang na apatnapu’t apat na kilo at may estimated market value na 5,280,000 pesos gayundin ang 445,000 pesos na boodle money.

--Ads--

Ayon kay PMaj. Abrogena, mula sa Tinglayan, Kalinga ang mga nakumpiskang kontrabando.

Itinuturing namang high value target ang mga pinaghihinalaan at matagal nang nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency.

Ayon pa kay PMaj. Abrogena, malawak ang koneksyon ng tatlo dahil nagbibiyahe rin sila sa Metro Manila.

Ang modus ng mga ito ay pinapatungan nila ng luya ang mga kontrabando dahil nadidistract umano ang mga aso o canine dogs kapag naaamoy nila ang luya.

Umaasa naman sila na sa pagkakahuli ng tatlo ay mababawasan na ang mga magtatangkang magbiyahe ng iligal na droga.