CAUAYAN CITY – Mararamdaman ang pagtaas sa presyo ng mga bilihin kapag tuluyang bumagsak ang peso kontra dolyar.
Ito ang naging pahayag ni Executive Director Sonny Africa ng IBON Foundation sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan.
Aniya, nakakabahala ang pagbagsak ng piso dahil mararamdaman ang pagmahal ng presyo ng mga bilihin.
Lalo ding mapipilitan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magtaas ng interest rates upang mapigilan ang pagbagsak ng peso kontra dolyar.
Ayon kay Africa, kapag nagtaas ng interest rates ang BSP ay mahihirapang umutang at tiyak na masasakal ang ekonomiya sa usapin ng pag-uutang ng mga negosyo para sa kanilang investments.
Maapektuhan din ang mga consumers na may credit cards na umuutang sa bangko para sa kanilang pangangailangan.
Kailangan anyang gumalaw ang pamahalaan upang mapigilan ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng piso kontra dolyar.
Sinabi pa ni Africa na patuloy ang paghina ng piso dahil masyadong tumataas ang demand sa dolyar.
Sa ngayon ang dapat gawin ng bansa ay iwasan ang pagbili ng mga imported na products at kailangan lamang na maghinay-hinay ang pamahalaan sa pag-import upang hindi masaktan ang ekonomiya ng bansa.










