CAUAYAN CITY – Pangunahing tutukan ng bagong commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang paglipol sa mga natitirang miyembro ng Communist Terrorist Groups (CTG) sa kanilang nasasakupan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Rose Ann Ballad, Information and Media Specialist ng DPAO ng 5ID na binigyang diin ni Gen. Audrey Pasia ang mga katagang ‘Walang magmamalasakit at magmamahal sa Pilipinas kundi tayong mga Pilipino at walang tutulong sa kapwa Pilipino kundi kapwa Pilipino.’
Patuloy ang pagsasagawa nila ng focus and development military operation sa nasasakupan ng 5ID katuwang ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para maiparating ang tulong sa mga mamamayan lalo na ang mga nakatira sa mga liblib na lugar.
Patuloy din nilang hinihikayat ang mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko na para matamasa rin ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa ilalim ng Enhanced – Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) tulad ng mga kasamahan nilang nauna ng sumuko.
Hinikayat ng 5th ID ang mga mamamayan na ipagbigay alam lamang sa mga awotoridad kung may presensya ng rebelde sa kanilang lugar para agad na matugunan.










