--Ads--

Mahigpit na ipinagbabawal ng Commision on Elections (Comelec) ang pangangampanya sa Semana Santa.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi niya na pagsapit ng Maundy Thursday at Good Friday ay wala na dapat mga kandidato ang nangangampanya bilang respeto sa mahal na araw.

Saklaw nito ang anumang uri ng pangangampanya at hindi lamang limitado sa pagpapatugtog ng mga campaign jingles.

Aniya, papatawan ng karampatang parusa ang mga mahuhuling kandidato na mangangampanya sa mga nabanggit na araw na maaaring humantong sa kanilang diskwalipikasyon.

--Ads--

Pinayuhan din niya ang mga kandidato na maglaan ng oras para magpahinga lalo na at magiging abala na ang mga ito sa mga susunod na araw dahil papalapit na ang halalan sa Mayo 12.

Samantala, tuloy pa rin ang lingguhang ‘Oplan Baklas’ na kanilang isinasagawa dahil hanggang ngayon ay marami pa ring hindi nakasusunod sa mga panuntunan ng komisyon pangunahin na ang paglalagay ng campaign materials sa mga hindi common poster area.