May kapangyarihan ang Pangulo ng bansa na magpatawag ng special session ng Kongreso anumang oras, lalo na kung may mga agarang usaping nangangailangan ng aksyon ng lehislatura.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Randy Arreola, Law Professor, sinabi nito na nakasaad sa Article VI, Section 15 ng 1987 Constitution na maaaring magpatawag ang Pangulo ng special session habang naka-recess ang Kongreso kung may mga mahalagang usaping kinakailangang tugunan.
Ipinaliwanag ni Atty. Arreola na kasalukuyang naka-recess ang Kongreso at nakatakdang muling magbukas sa ikaapat na Lunes ng Hulyo kasabay ng State of the Nation Address o SONA ng Pangulo.
Ayon sa kanya, habang naka-recess ang Kongreso ay wala itong maaaring talakaying mga panukalang batas at iba pang opisyal na gawain kaya kinakailangan ang special session kung may mga agarang concern na dapat pagdesisyunan.
Dagdag pa niya na kabilang sa mga maaaring maging dahilan ng special session ang agarang paglalaan ng tulong para sa mga biktima ng kalamidad, kabilang ang mga naapektuhan ng lindol.
Gayunman, may mga panukala aniyang hindi maituturing na agarang pangangailangan tulad ng Anti-Political Dynasty Bill na matagal nang nakabinbin sa Kongreso.
Kaugnay nito, sinabi ni Atty. Arreola na bagama’t maaaring kuwestiyunin ng ilang mambabatas ang pagtawag ng special session habang sila ay naka-break, bahagi pa rin ito ng kapangyarihang ipinagkaloob sa Pangulo ng Saligang Batas.
Samantala, nilinaw rin niya na karaniwan ang Pangulo ang nagpapatawag ng special session at tanging mga usaping nakasaad sa opisyal na agenda ang maaari lamang na talakayin ng Kongreso.











